"PAKSA: GUMAWA NG SARILING GAWANG ALAMAT"
ANG
ALAMAT NG LUYA
Noong unang panahon, may mag-asawa na
nakatira sa isang kabundukan. Matagal-tagal din sila bago nagka-anak. Dumating
ang araw, nagbunga ang kanilang pagmamahalan at nabigyan sila ng isang anak, si
Aliya. Dahil dito bumaba sila ng bundok para doon na manirahan sa kanayunan.
Si Aliya ay lumaking maganda, mabait at
masunurin na bata. Higit sa lahat, si Aliya ay biniyayaan nang napaka-gandang
tinig. Ang lahat ay nabibighani sa tuwing naririnig siyang umawit. Madalas
siyang nakukuhang panauhin upang kumanta sa mga palatuntunan o kapistahan na
idinaraos sa kanilang nayon.
Subalit sa kabila ng mga magandang
katangian na mayroon si Aliya, ito ay may kapintasan din. Mabibilog ang mga
daliri ng kanyang mga paa at may bukol-bukol pa. Madalas siyang tinutukso ng
mga taong nakakakita dito. Mga taong walang pakundangan sa nararamdaman niya na
may halong inggit.
Dahil dito, habang nagdadalaga si Aliya,
hindi na niya masakyan ang panunukso ng mga tao. Lubos niya itong dinamdam.
Hindi na siya lumalabas ng bahay o ang makihalubilo kahit sa kanyang mga
kaibigan. Madalas na siyang nakikita sa kagubatan at doon na namalagi sa dati
nilang tahanan. Hanggang isang araw, hindi na siya nakita ng kanyang mga
magulang.
Lumipas ang mga araw, wala ng Aliya ang
nakita pa. Nagbaka-sakali ang kanyang magulang na balikan si Aliya sa tahanan
nila sa kagubatan. Laking gulat nila sa pagbalik, may isang halaman ang tumubo
sa gilid ng kanilang kubo. Laking mangha nila nang hinukay nila ang halaman.
Paano ay parang mga paa ni Aliya ang itsura ng bunga nito. Natuklasan din nila
na nakapagpapaluwag ng lalamunan ang sabaw ng bunga kapag inilaga. Lumaon ay
natuklasan pa nila na maganda sa boses ang pag-inom sa sabaw nito.
Dahil doon ay tinawag na Aliya ang bunga
para sa ala-ala ni Aliya. Lumipas ang maraming mga taon ay naging luya na ang
pangalan nito.