ARALIN 1
IBONG ADARNA
Kaligirang Pangkasaysayan ng Ibong Adarna
Ang korido ay isang uri ng Panitikang Pilipino, isang uri ng tulang nakuha natin sa impluwensya ng mga Espanyol. Ito ay may sukat na walong pantig bawat linya at may apat na linya sa isang saknong. Ang korido ay binibigkas sa pamamagitan ng pakantang pagpapahayag ng mga tula.
Corrido at buhay na pinagdaanan nang tatlong prinsipe na magkakapatid na anak nang Haring Fernando at nang Reyna Valeriana sa Kahariang Berbanya.
ARALIN 2
IBONG ADARNA
Si Haring Fernando at ang Tatlong Prinsipe
Ang Berbanya ay isang mayamang kaharian kung saan sagana, tahimik at payapa ang pamumuhay. Madalas na may piging at pagdiriwang na nagagaganap sa kaharian sapagkat masayahin ang hari’t reyna. May tatlo silang anak na lalaki na pawing may kakayahang magmana ng trono. Sila ay sina Don Pedro, Don Diego, at ang bunsong si Don Juan.
Nakatakda na silang papiliin kung ang pagpapari o paglilingkod sa kaharian ng Berbanya ang tatahaking landas. Walang nakahihigit kaninuman sa tatlong prinsipe kung likas na galing at talino ang sukatan kaya lahat sila ay itinanghal na tagapaglingkod ng palasyo. Nagsanay sila sa paghawak ng patalim at sandata, ngunit sa pagsapit ng takdang panahon ay isa lamang ang maaaring magkamit ng trono. Hindi maitatwa ng hari na ang paborito niyang anak ay ang bunsong si Don Juan kaya namayani ang inggit sa puso ng panganay na si Don Pedro.
ARALIN 3
IBONG ADARNA
Ang Panaginip ng Hari
Dinapuan ng malubhang karamdaman si Don Fernando dulot ng isang masamang panaginip. Nakita ng hari sa panaginip na pinaslang si Don Juan ng dalawang buhong at inihulog sa malalim na balon. Mula noon ay hindi na nakatulog ang hari at hindi na halos makakain hanggang sa maging buto’t balat. Labis ang naging pag-aalala ng reyna at ng tatlong prinsipe dahil walang sinumang makapagbigay ng lunas sa hari.
Dumating ang isang medikong paham na nagsabing ang sakit ng hari ay bunga ng panagimpan at ang tanging lunas ay ang awit ng isang ibong matatagpuan sa Bundok ng Tabor at nakadapo sa kumikinang na puno ng Piedras Platas. Sa gabi lamang daw matatagpuan ang ibon sapagkat sa araw ay nasa mga burol ito upang manginain kasama ang iba pang mga ibon.
ARALIN 4
IBONG ADARNA
Si Don Pedro at ang Puno ng Piedras Platas
Tatlong buwan ang ginawang paglalakbay ni Don Pedro bago natagpuan ang landas paakyat ng Bundok Tabor. Hindi nakayanan ng kanyang kabayo ang hirap kaya nasawi. Hindi naglaon ay natagpuan din ni Don Pedro ang Piedras Platas. Namangha ang prinsipe sapagkat kumikinang itong tila diyamante.
Labis ang kanyang pagtataka dahil isa man sa laksa-laksang ibon na nagdadatingan ay walang nagtangkang dumapo sa puno. Matagal na naghintay si Don Pedro hanggang sa nakatulog. Hindi na niya namalayan ang pagdating ng Ibong Adarna. Humapon ang mahiwagang ibon sa sanga ng Piedras Platas at agad nagpalit ng balahibo. Nakasanayan ng Ibong Adarna na dumumi bago tuluyang matulog. Ang ipot ng ibon ay pumatak sa natutulog na si Don Pedro — iglap lamang at ang prinsipe ng Berbanya ay naging bato.
ARALIN 5
IBONG ADARNA
Si Don Diego at ang Awit ng Ibong Adarna
Hindi na nakabalik si Don Pedro sa kaharian ng Berbanya kaya inatasan ni Haring Fernando ang ikalawang anak na si Don Diego na hanapin ang kapatid at hulihin ang Ibong Adarna. Limang buwan ang naging paglalakbay ni Don Diego at dahil sa hirap ay namatay din ang kanyang kabayo.
Nagpatuloy sa paghahanap ang prinsipe bitbit ang kanyang baon. Hindi niya inaasahang narating na pala niya ang Piedras Platas. Namangha rin siya sa kagandahan nito at labis na pinagtakhan kung bakit walang dumadapo isa mang ibon sa kahoy na kumikinang. Nagpahinga si Don Diego sa isang batong naroon hanggang dumating ang Ibong Adarna. Nasaksihan niya ang pitong beses na pag-awit ng mahiwagang ibon at inantok hanggang siya’y napaidlip. Napatakan siya ng ipot ng mahiwagang ibon hanggang sa siya’y naging bato. Magkatabi ngayon ang dalawang prinsipe sa ilalim ng Piedras Platas.
ARALIN 6
IBONG ADARNA
Si Don Juan, ang Bunsong Anak
Tatlong taon na ang lumipas at lalong lumubha ang kalagayan ni Haring Fernando. Nag-aatubili ang hari na utusan si Don Juan na hanapin ang dalawang prinsipe at ang Ibong Adarna. Nag-aalala siyang baka mapahamak ang bunsong anak. Humingi ng bendisyon si Don Juan upang payagan siyang makapaglakbay at hanapin ang lunas ng ama gayundin ang dalawang kapatid.
Sa takot ng hari na baka maisipan ni Don Juan na magtanan, pinahintulutan niya ito. Hindi nagdala ng kabayo si Don Juan at sa halip ay naglakad. Naniniwala ang prinsipe na ang matapat na layunin ang magbibigay sa kanya ng biyaya. Nagbaon siya ng limang tinapay at tuwing makaisang buwan lamang kumakain. Hindi niya alintana ang gutom, pagod, at hirap. Panay ang usal niya ng panalangin sa Mahal na Birhen upang matagalan ang hirap. Apat na buwan siyang naglakbay hanggang sa narating niya ang kapatagang bahagi ng Bundok Tabor, kung saan natagpuan niya ang isang leprosong matandang lalaki.
ARALIN 7
IBONG ADARNA
Ang Gantimpala ng Karapat-dapat
Humingi ng limos ang leproso kay Don Juan. Ipinagkaloob ng prinsipe sa matanda ang natitira niyang tinapay. Nalaman ng leproso ang pakay ni Don Juan sa lugar na iyon. Nagbilin siya kay Don Juan na huwag masilaw sa kinang ng Piedras Platas at sa halip ay tumanaw sa ibaba upang makita ang isang dampa. Doon ay matatagpuan ng prinsipe ang isang ermitanyong makakatulong sa paghanap ng lunas sa sakit ng hari. Isinauli ng leproso ang tinapay kay Don Juan pero ayaw iyong tanggapin ng prinsipe. Narating ni Don Juan ang Piedras Platas at dahil sa paghanga sa pagkamangha ay muntik nang makalimot sa tagubilin ng leproso. Nagbalik ang diwa niya at nakita ang dampa. Nagtungo si Don Juan upang humingi ng tulong sa ermitanyo. Laking pagtataka ng prinsipe nang makita sa loob ng dampa ang ibinigay na tinapay sa leproso. Sa kabila ng hiwagang nararamdaman ay buong pagtitiwalang nakinig ang prinsipe sa payo ng ermitanyo. Natuklasan niya na ang Ibong Adarna ay isang engkantado. Malalim na ang gabi kung ito ay dumapo sa Piedras Platas. Pitong beses na umaawit ang ibon at pitong beses ding nagpapalit ng kulay ng balahibo. Sa oras na umawit ang ibon ay kailangan niyang hiwain ang palad at pigaan ng dayap upang malabanan ang antok. Bago matulog ang ibon ay dudumi ito at kailangang maiwasan niya iyon upang hindi maging bato. Ibinigay ng ermitanyo ang sintas ng ginto para magamit niyang panghuli at panggapos sa ibon.
ARALIN 8
IBONG ADARNA
Ang Bunga ng Pagpapakasakit
Nasa ilalim ng punong Piedras Platas si Don Juan. Hindi siya napagod sa paghihintay hanggang sa lumalim na ang gabi. Humapon na rin sa wakas ang Ibong Adarna sa Piedras Platas. Kahanga-hanga ang taglay na gilas at kariktan ng ibon sa labis na nagpahiwaga ng daigdig. Nagsimula na itong umawit at nagpalit na rin ng kulay ng balahibo. Napahikab si Don Juan nang marinig ang awit ng ibon. Hiniwa ni Don Juan ang palad sa pamamagitan ng labaha at pinigaan ng dayap ang sugat. Tila pinanawan siya ng bait sa tindi ng sakit kaya’t tuluyang nawala ang antok. Pitong awit ng ibon ang katumbas ng pitong sugat ni Don Juan sa palad. Dumumi ang ibon ngunit iniwasan ni Don Juan na mapatakan ng ipot upang hindi maging bato. Natulog na ang Ibong Adarna na nakabuka ang mga pakpak at dilat ang dalawang mata kaya mapagkakamalang gising pa. Agad niyang sinunggaban ang ibon upang maitali sa paa. Dinala ni Don Juan ang ibon sa dampa at natutuwang hinimas pa ito ng ermitanyo saka ikinulong sa hawla.
Inutusan ng ermitanyo si Don Juan na kunin ang banga at punuin ng tubig para buhusan ang dalawang batong tila puntod na nasa ilalim ng Piedras Platas. Agad sinunod ni Don Juan ang utos. Binuhusan ni Don Juan ng tubig ang batong si Don Pedro at agad itong nabuhay. Tumayo si Don Pedro at nanagis na niyakap ang bunsong kapatid. Isinunod na iniligtas ni Don Juan si Don Diego at tulad ng panganay na kapatid ay naging tao itong muli. Masayang nagyakapan ang tatlong prinsipe. Labis silang nagalak sa tiyak na kaligtasan ng kanilang amang hari dahil sa pagkahuli ni Don Juan sa Ibong Adarna. Nagpunta sa dampa ng ermitanyo ang tatlong prinsipe upang ipaalam dito ang nangyari. Pinahiran ng ermitanyo ng gamot mula sa botelya ang sugat sa palad ni Don Juan at agad na gumaling. Nagbilin ang ermitanyo sa tatlong prinsipe na nawa’y makarating sila ng malugod at mapayapa sa kahariang Berbanya alang-alang sa kaligtasan ng hari. Sinabi rin ng ermitanyo na ang paglililo’y huwag sanang manahan sa kaninumang puso.
ARALIN 9
IBONG ADARNA
Ang Bunga ng Inggit
Naunang naglakad si Don Juan habang dala ang hawla. Palihim namang kinausap ni Don Pedro si Don Diego. Dahil sa labis na inggit ay binalak ni Don Pedro na patayin si Don Juan. Nabigla si Don Diego at agad tumutol sa plano ng panganay na kapatid ngunit sa huli’y nakumbinsi din. Sumang-ayon ito na bugbugin si Don Juan basta huwag lamang papatayin. Natuwa si Don Pedro sapagkat iiwanan nilang sugatan si Don Juan sa kagubatan kaya natitiyak na doon na rin ito daratnan ng kamatayan at sila na ang mag-uuwi ng Ibong Adarna. Pinagtulungan nina Don Pedro at Don Diego na bugbugin ang bunsong kapatid. Hindi naman nanlaban si Don Juan.
Bumalik sa palasyo ng Berbanya sina Don Pedro at Don Diego. Dinatnan nilang nakaratay pa rin ang amang hari. Nagpilit bumangon si Haring Fernando at sabik na niyakap ang dalawang anak na matagal na hindi nakita. Agad ding nanlumo ang hari nang malamang hindi kasamang nagbalik si Don Juan. Tinanong ng hari kung nasaan si Don Juan ngunit ang sagot ng magkapatid ay ewan nila. Iniharap sa hari ang Ibong Adarna at laking pagkabigla nito dahil pangit at lulugo-lugo ang ibon. Labis na pinagtakhan ng hari ang sinabi ng medikong paham na ang ibon ay makapitong ulit na nagbibihis ng anyo at nagpapalit ng kulay ng balahibo. Natiyak ng hari na sa anyo ng ibon ay hindi siya mapapagaling ng awit nito at sa halip ay lalo siyang lulubha. Muling naalala ng hari ang panaginip na naging sanhi ng malubha niyang sakit. Pinaslang daw ng dalawang buhong si Don Juan. Lalong lumubha ang kalagayan ng hari sa paglipas ng mga araw. Ayaw pa ring kumanta ng ibon sapagkat wala ang tunay na nagmamay-ari sa kanya na walang iba kundi si Don Juan. Umaasa ang ibon na buhay pa ang prinsipe at matutuklasan din ng mga magulang ang naging kataksilan nina Don Pedro at Don Diego.
ARALIN 10
IBONG ADARNA
Ang Dalangin ng Bunsong Anak sa Gitna ng Paghihirap
Nasa gitna ng kagubatan si Don Juan at tila papanawan ng bait sa hirap na dinaranas. Maga ang buong katawan niya, may pilay sa tadyang, at matindi ang nararamdamang gutom at pagkauhaw. Wala siyang makitang kaligtasan o maaaring makatulong kaya anumang oras ay maaari siyang mamatay. Tanging panalangin ang huli niyang pag-asa. Nagdasal siya sa Mahal na Birhen upang humaba pa ang buhay at iligtas ang amang may karamdaman. Hindi niya mapaniwalaan ang ginawa sa kanya nina Don Pedro at Don Diego sapagkat para sa kanya ang karangalan nilang tatlo ay iisa. Kaya niyang ipagkaloob ang Ibong Adarna sa dalawang kapatid kung iyon ang hangad ng mga ito at hindi na kailangang pagtaksilan pa. Naalala niya ang mga magulang lalo na ang kalagayan ng ama sa gitna ng pagnanaknak ng kanyang mga sugat. Naalala niya sa gitna ng paghihirap ang bayang kanyang sinilangan, ang palasyong kanyang kinalakhan at ang pag-aaruga ng mahal na ina na malabis na niyang pinananabikan.
ARALIN 11
IBONG ADARNA
Ang Awit ng Ibong Adarna
Sa libis ng isang bundok ay sumulpot ang isang matandang ermitanyo at natagpuan si Don Juan na nakahandusay sa lupa. Walang malay si Don Juan at bakas pa rin ang pagkalamog ng katawan. Matinding habag ang naramdaman ng ermitanyo sa sinapit ng prinsipe na kulang na lamang ay datnan ng kamatayan sa pook na iyon. Sa ikalawang pagkakataon ay muli nitong ginamot ang sugat ng kawawang prinsipe. Iglap na naglaho ang mga sugat ng prinsipe sa katawan. Tila Diyos ang tingin ni Don Juan sa matandang ermitanyo dahil sa isa na namang nasaksihang himala. Niyakap niya ang ermitanyo at malugod na nagpasalamat sa pagliligtas sa kanyang buhay. Nais niyang gumanti ng utang na loob dito ngunit iyon ay itinuring ng ermitanyo na isang kawanggawa. Inutusan ng ermitanyo na umuwi sa kanilang kaharian si Don Juan upang iligtas ang buhay ng ama. Nagmamadaling tinahak ng prinsipe ang daan pauwi ng Berbanya.
Nakabalik ng kaharian ng Berbanya si Don Juan. Namutla sina Don Pedro at Don Diego nang makita ang bunsong kapatid. Agad lumuhod sa harapan ng hari si Don Juan habang nakaratay pa rin sa higaan ang ama. Umawit ang Ibong Adarna at inilahad ang buong katotohanan. Pitong ulit itong nagpakitang gilas ng pagpapalit ng balahibo habang isinasalaysay ang mga pinagdaanang hirap ni Don Juan hanggang pagtaksilan ng dalawang sukab na prinsipe. Matapos ang ikapitong awit ng ibon ay tila hindi man lamang nagkaroon ng karamdaman ang hari at bigla itong nakatayo. Sa labis na kagalakan ay niyakap si Don Juan at hinagkan pati ang ibon. Tinipon niya ang mga kagawad ng palasyo upang hatulan na ipatapon sina Don Pedro at Don Diego bilang kaparusahan. Nahabag si Don Juan sa mga kapatid kaya agad lumuhod sa harap ng ama. Inihingi niya ng kapatawaran ang dalawang kapatid. Lumambot ang puso ng hari dahil sa kababaang loob ng kanyang bunso. Pinatawad ng hari ang dalawang prinsipe sa pangakong hindi na mauulit ang kataksilang iyon sapagkat sa susunod ay kamatayan na ang magiging kapalit. Labis ang kagalakang niyakap ni Don Juan ang dalawang kapatid. Nagbalik ang kasiyahan sa buong palasyo dahil sa tuluyang paggaling ng hari na naging aliwan ang pag-awit ng Ibong Adarna.
ARALIN 12
IBONG ADARNA
Ang Muling Kapahamakan ni Don Juan
Labis na nalugod ang hari sa Ibong Adarna. Gabi-gabi nitong dinadalaw ang mahiwagang ibon sa hawla. Maging ang reyna ay nakadama ng panibugho dahil sa labis na kaluguran ng hari sa ibon. Upang hindi na mawalay ang ibon ay nagpasya ang hari na pabantayan ito sa mga anak. Nagbilin ang hari na mananagot sa kanya ang sinumang magpabaya sa tatlo. Halinhinan ang tatlong prinsipe sa pagbabantay. Ikinainis ni Don Pedro na naging tagapagbantay lamang siya ng ibon gayong isa siyang prinsipe. Si Don Diego ay madalas antukin at naiinip sa bagal ng oras habang nagbabantay. Kinakausap naman ni Don Juan ang Ibong Adarna sa tuwing siya ang tagapagbantay upang hindi dalawin ng antok. Muling nagplano ng kataksilan sina Don Pedro at Don Diego. May pag-aalinlangan si Don Diego subalit nangako si Don Pedro na ito ang magiging kanang kamay sakaling siya na ang maging hari. Sa dalawang magkasunod na iskedyul ng pagbabantay sa Ibong Adarna ay nakatulog si Don Juan sa labis na pagod at puyat. Hindi niya namalayan nang pakawalan nina Don Pedro at Don Diego ang Ibong Adarna.
Hindi pa man nagliliwanag ay nagpasya nang lumisan si Don Juan sapagkat nabatid na niya ang naging pagkakamali at kailangan niyang magtago. Sa paggising ng hari sa umagang iyon ay agad nagtungo sa silid na kinaroroonan ng Ibong Adarna. Laking panggigilalas niya nang malamang wala ang ibon sa hawla. Agad ipinatawag ng hari ang tatlong anak subalit dalawa lamang ang humarap. Muling humabi ng kasinungalingan ang dalawang buhong na prinsipe subalit hindi agad sila pinaniwalaan ng hari. Ipinahanap ng hari ang bunsong anak ngunit hindi na ito natagpuan sa loob ng palasyo. Sinabi nina Don Diego at Don Pedro na nagtaksil si Don Juan at kanilang hahanapin upang iharap sa ama para mapatawan ng parusa. Umalis ang dalawa upang hanapin ang nagtatagong si Don Juan. Nilakbay nila ang bukid, burol at bundok subalit hindi nila natagpuan ang bunsong kapatid. Hanggang sa narating nila ang kabundukan ng Armenya kung saan naroon si Don Juan.
ARALIN 13
IBONG ADARNA
Sa Bundok Armenya
Isang paraiso sa kagandahan ang kabundukan ng Armenya. Napakaganda ng paligid. Maraming hayop at mga pananim dito gaya ng mga puno at bungang kahoy. Napakarami ring ibon dito gaya ng maya, pugo at kalaw, may pandanggo at kumintang, may mga limbas, uwak at lawin. Napakalinaw ng tubig sa batis at napakaraming suso na nakakapit sa mga batuhan. Walang magugutom sa pook na iyon dahil sa mayamang kalikasan. Doon na nanirahan si Don Juan upang pagtakpan at huwag maparusahan ang tunay na maysala sa pagkawala ng Ibong Adarna. Nahihiya si Don Diego na humarap kay Don Juan dahil sa nagawa na namang pagkakasala subalit dahil sa panunulsol ni Don Pedro ay nagpasya silang manirahan na rin doon kasama ni Don Juan. Hindi naman nagawang tumanggi ni Don Juan dahil sa pagmamahal sa mga kapatid. Isang magandang bahay na gawa sa kahoy ang naging tahanan ng tatlong prinsipe at maligaya silang nanirahan sa Armenya. Napakaamo ng mga hayop sa kanila at tila mga panginoon sila kung ituring. Sa paglipas ng panahon, nagpasya ang tatlo na tuklasin ang bahagi ng kabundukan na hindi pa nila nararating. Sa katanghaliang tapat ay naglakbay ang tatlo para maghanap ng bagong kapalaran.
ARALIN 14
IBONG ADARNA
Ang Mahiwagang Balon
Isang balon ang nakita ng tatlong magkakapatid na prinsipe. Ang bunganga ng balon ay batong marmol na makinis at ang lumot sa paligid ay mga gintong nakaukit. Mangha ang tatlong prinsipe habang nakatingin sa napakalalim na balon gayong wala itong tubig. May lubid na naroon upang magamit ng sinumang nais magtangkang bumaba. Naunang bumaba ng balon si Don Pedro sapagkat siya ang panganay. Tatlumpung dipa lamang ang nalusong ni Don Pedro sapagkat hindi niya nagawang tagalan ang labis na kadiliman sa loob ng balon. Ang sumunod na bumaba ng balon ay si Don Diego ngunit hindi rin niya iyon nagawang tagalan. Natulala sa takot ang pangalawang prinsipe nang tangkaing tuklasin ang lihim ng balon. Si Don Juan ang pinakahuling sumubok na bumaba ng balon. Bagama’t napakadilim sa loob ng balon ay buong tapang na hinarap ni Don Juan ang malaking takot na hindi nagawang harapin ng dalawang kapatid. Malalim na ang narating ni Don Juan at patuloy pa rin siya sa pagbaba. Naiinip na si Don Pedro sapagkat hindi pa umaahon si Don Juan samantalang nababahala na si Don Diego baka napahamak ang bunsong kapatid.
ARALIN 15
IBONG ADARNA
Ang Unang Babaeng Nagpatibok sa Puso ni Don Juan
Narating ni Don Juan ang pinakamalalim na bahagi ng balon. Namangha siya dahil isang napakagandang hardin ang tumambad sa kanyang paningin. Natuklasan niyang may nakatagong paraiso sa pinakaubod ng lupain ng Armenya. Mahalaman at mabulaklak ang paligid at humahalimuyak sa bango. May palasyo ritong kumikislap na yari sa ginto at pilak. Nakita ni Don Juan ang isang babaing diyosa sa kagandahan. Pakiwari niya ay dinadaya ng langit ang paningin kaya nakakita siya ng isang anghel. Hindi naman makapaniwala ang prinsesang si Donya Juana na narating ni Don Juan ang pook na iyon. Lumuhod si Don Juan sa harapan ni Donya Juana at nagpakilalang prinsipe ng Berbanya. Inihingi ng paumanhin ng prinsipe ang kapangahasang makarating sa pook na iyon makita lang ang kagandahan ng prinsesa. Sumamo si Don Juan na sana’y tanggapin ni Donya Juana ang kanyang pag-ibig. Hindi naman siya nabigo sapagkat umibig din sa kanya ang prinsesa.
Ipinagtapat ni Donya Juana kay Don Juan na ang bantay sa hardin ay isang malupit na higante. Hindi nagtagal ay dumating ang higante at sinabing may naamoy na tao. Kinilabutan ang prinsesa sa lakas ng tinig ng higante. Nakita ng higante si Don Juan at agad hinarap ang prinsipe. Pinagsabihan niya itong itikom ang bibig sapagkat hindi mangyayari ang masamang balak. Walang takot na nakipaglaban si Don Juan sa higante sa pamamagitan ng kanyang napakatalas na espada. Agad na naigupo ng angking galing ni Don Juan sa pakikipaglaban ang higanteng tampalasan. Ayaw lisanin ni Donya Juana ang pook na iyon na hindi kasama ang bunsong kapatid na si Prinsesa Leonora. Hiniling nito kay Don Juan na iligtas din ang kapatid. Muling binalaan ni Donya Juana si Don Juan sapagkat mas mabagsik ang bantay ni Prinsesa Leonora na walang iba kundi ang serpyenteng may pitong ulo na kahit tagpasin ay muling tumutubo at nabubuhay. Sa hindi kalayuang palasyo matatagpuan si Prinsesa Leonora. Natagpuan ni Don Juan ang palasyong may malaking hagdanang ginto.
ARALIN 16
IBONG ADARNA
Si Donya Leonora at ang Serpyente
Nabigla ang namimintanang si Prinsesa Leonora nang makita si Don Juan. Ang palamuti sa bintana ng palasyo ay mga perlas at rubi. Higit na maningning ang kagandahan ng prinsesa kaya’t labis na nabighani ang puso ni Don Juan. Agad tinanong ng prinsesa kung sino ang pangahas na dumating at noon din ay inutusan si Don Juan na lisanin ang pook na iyon. Batid ng prinsesa na hindi magtatagal ay darating na ang serpyenteng bantay ng palasyo. Nakiusap at nagmakaawa si Don Juan na siya’y kupkupin ng prinsesa sapagkat tunay na nabihag ang kanyang puso. Nakalimot siya sa naghihintay na prinsesang si Donya Juana. Dahil sa matatamis na salita ay lumambot ang puso ni Prinsesa Leonora at pinapanhik si Don Juan sa loob ng palasyo. Agad inalam ni Prinsesa Leonora kung paano natagpuan ng prinsipe ang pook na iyon. Ipinagtapat ni Don Juan ang naging mga pagdurusa at pagsisikap upang matuklasan ang hiwaga ng balon. Nangako ng tapat na pag-ibig si Don Juan kay Prinsesa Leonora bagama’t nangangamba ang prinsesa na baka maglilo sa pangako ang prinsipe. Hanggang sa naramdaman nilang yumayanig na ang buong paligid.
Gumapang ang ahas paakyat ng hagdanan. Agad hinarap ni Don Juan ang serpyente. Maliksi si Don Juan kaya’t hindi siya nagawang lingkisin ng ahas. Tinagpas ni Don Juan ang ulo ng serpyente ngunit muling tumubo iyon at nabuhay. Nakaramdam ng pagod si Don Juan at sa gitna ng pakikipaglaban ay hindi niya nakalimutang manalangin. Nanumbalik ang kanyang sigla at higit na naging matapang. Tatlong oras ang itinagal ng kanilang labanan hanggang sa mapagod ang serpyente. Inihagis ni Prinsesa Leonora kay Don Juan ang mabagsik na balsamo upang ilagay sa bawat ulong natatagpas. Lalong nagalit ang serpyente at muling hinalihaw si Don Juan. Agad namang nakaiwas sa tiyak na kamatayan ang prinsipe. Muling umigkas ang espada ng matapang na prinsipe hanggang sa natagpas ang pinakahuling ulo ng ahas. Hindi na iyon tumubo makaraang lagyan ng balsamo. Naiakyat sa itaas ng balon ang dalawang prinsesa. Nalaman ng dalawang kapatid ni Don Juan ang pagpaslang niya sa higante at ahas upang mailigtas ang dalawa. Muling nanaig ang inggit kay Don Pedro lalo pa’t nabighani ito sa kagandahan ni Prinsesa Leonora.
ARALIN 17
IBONG ADARNA
Ang Muling Pagtataksil kay Don Juan
Naiwan ni Prinsesa Leonora ang singsing na diyamante na pamana ng ina. Ang kanyang lobo lamang ang naisama. Nagpasya si Don Juan na balikan iyon kahit tutol ang prinsesa. Bumaba sa malalim na balon si Don Juan ngunit pinutol ni Don Pedro ang lubid. Hinimatay si Prinsesa Leonora dahil sa kataksilang iyon at nang matauhan ay nasa bisig na siya ng prinsipeng sukab. Ipinangako ni Don Pedro na magiging reyna ng Berbanya si Prinsesa Leonora.
ARALIN 18
IBONG ADARNA
Ang Kahilingan ni Donya Leonora sa Hari ng Berbanya
Pinakawalan ng prinsesa ang lobong engkantada at inutusang iligtas si Don Juan. Nanaginip si Haring Fernando na ang bunsong si Don Juan ay muli na namang pinagtaksilan. Ibinalita ng ministro ang pagdating ng mga prinsipe. Nakaluhod si Don Pedro at Don Diego kasama ang dalawang prinsesa nang datnan ng hari. Sinabi ni Don Pedro na hindi nila natagpuan si Don Juan at sa halip ay ang dalawang prinsesa ang kanilang nailigtas sa kamay ng higante at serpyente. Hiniling ni Don Pedro na silang apat ay maikasal sa lalong madaling panahon. Hiniling naman ni Prinsesa Leonora sa hari na siya ay ipakasal pagkaraan ng pitong taon sapagkat siya ay may panata. Suman-ayon ang hari at itinakda ang kasal nina Donya Juana at Don Diego. Nagkaroon ng siyam na araw ng pagsasaya sa kaharian.
ARALIN 19
IBONG ADARNA
Ang Habilin sa Mahiwagang Lobo
Inabutan ng engkantadang lobo si Don Juan na duguan at lamog ang katawan. Mabilis na kumilos ang lobo upang kumuha ng tatlong bote at agad na nagtungo sa Ilog Jordan. Bagama’t may mahigpit na tagapagbantay ang ilog ay nagawa itong linlangin ng lobo upang malagyan ng tubig ang tatlong bote. Natuklasan iyon ng bantay at hinabol ang lobo. Tumalon ang lobo sa bangin ng isang burol upang hindi masukol. Nakabalik ang lobo at agad ipinahid ang tubig sa buong katawan ni Don Juan. Nanumbalik agad ang lakas ng prinsipe at nabahaw ang mga sugat. Nilapitan niya ang lobo at niyakap. Para namang bata ang lobo na kumandong nang buong tuwa kay Don Juan. Nagbalik sila ng palasyo upang kunin ang diyamanteng singsing ni Prinsesa Leonora. Naghintay lamang sa labas ng palasyo ang lobo. Sa tulong din ng lobo ay madaling nakaahon ng balon si Don Juan. Agad na ring nagpaalam ang lobo at iniwan si Don Juan na maglalakbay pa sa liblib ng kabundukan. Pabalik na ng Berbanya si Don Juan ngunit siya’y napagod. Natagpuan niya ang isang punongkahoy na mayabong at doon siya ay nagpahinga.
ARALIN 20
IBONG ADARNA
Ang Payo ng Ibong Adarna kay Don Juan
Umawit ang Ibong Adarna upang gisingin si Don Juan. Nagising ang prinsipe at laking tuwa niya nang makita ang ibon na nakadapo sa sanga. Sa pamamagitan ng awit ay nagsalaysay ang ibon kay Don Juan. Nalaman niyang kaya umalis ang ibon ay nais lamang siyang iligtas nito sa isang pasakit. Ang tunay na pakay nina Don Pedro at Don Diego ay patayin silang dalawa. Inutusan ng Ibong Adarna na maglakbay si Don Juan patungo sa isang napakalayong reyno — isang napakagandang kaharian sa dakong silangan. Anang mahiwagang ibon, doon ay matatagpuan ng prinsipe ang tatlong magkakapatid na prinsesa na sina Isabel, Juana at Maria Blanca. Ang tatlo ay mga mutyang anak ni Haring Salermo, isang haring ubod ng tuso at talino. Sinabi ng ibon kay Don Juan na si Maria Blanca ang piliin sa tatlong prinsesa sapagkat ang ganda nito ay walang kaparis. Sa payo ng Ibong Adarna, naglakbay si Don Juan upang hanapin ang Reyno de los Cristales. Samantala, sa palasyo ng Berbanya ay patuloy na tumatangis si Prinsesa Leonora. Ayaw mawala ang pag-aalala ng prinsesa na baka hindi nailigtas ng lobong engkantada si Don Juan. Umaasa siyang sana ay dalawin kahit ng kaluluwa ng prinsipeng pinakaiibig.
ARALIN 21
IBONG ADARNA
Ang Panaghoy ni Donya Leonora
ARALIN 22
IBONG ADARNA
Ang Paglalakbay ni Don Juan
ARALIN 23
IBONG ADARNA
Sa Dulo ng Paghihirap
ARALIN 24
IBONG ADARNA
Si Don Juan sa Reyno de los Cristales
ARALIN 25
IBONG ADARNA
Mga Pagsubok ni Haring Salermo
ARALIN 26
IBONG ADARNA
Ang Ikalawang Pagsubok
ARALIN 27
IBONG ADARNA
Ang Ikatlong Pagsubok
ARALIN 28
IBONG ADARNA
Ang Ikaapat na Pagsubok
ARALIN 29
IBONG ADARNA
Ang Ikalimang Pagsubok
ARALIN 30
IBONG ADARNA
Ang Pag-ibig nina Don Juan at Maria Blanca
IBONG ADARNA
Mahahalagang Tauhan ng Ibong Adarna
Ibong Adarna
Ang ibong ito ay may mala-engkanto at maganda ang tinig. Nakatira ito sa punongkahoy na Piedras Platas na nasa bundok ng Tabor.
Haring Fernando
Marangal na hari ng Kahariang Berbanya. Mahal at iginagalang siya ng kanyang mga nasasakupan sapagkat pantay siyang tumingin sa mayaman at dukha.
Reyna Valeriana
Ang kabiyak ni Haring Fernando; walang katulad sa ganda at uliran siya sa kabaitan.
Don Pedro
Panganay na anak nina Haring Fernando at Reyna Valeriana. Siya ang unang nakipagsapalarang hanapin ang Ibong Adarna na ang awit ay lunas sa amang may sakit.
Don Diego
Ikalawang anak nina Haring Fernando at Reyna Valeriana na ikalawang nakipagsapalaran sa paghanap sa Ibong Adarna.
Don Juan
Makisig at mabait na bunsong anak nina Haring Fernando at Donya Valeriana. Naging mapalad siya na mahuli ang Ibong Adarna.
Prinsesa Juana
Isang marilag na prinsesa ng Kahariang Armenya. Nailigtas siya ni Don Juan sa higanteng bumihag sa kanya.
Prinsesa Leonora
Nakababatang kapatid ni Donya Juana; magandang dilag na nailigtas ni Don Juan sa mapanganib na Serpiyenteng bumihag sa kanya.
Haring Salermo
Makapangyarihang hari ng Kahariang Delos Cristal, malupit sa sinumang lalaking umibig at humingi ng kamay ng bunsong anak niyang prinsesa.
Donya Maria Blanca
Bunsong anak na prinsesa ni Haring Salermo. Pinakamaganda sa tatlong anak ng hari. May taglay siyang mahika blanca, tanda ng pag-ibig niya kay Don Juan.
Donya Isabel
Kapatid ni Donya Maria Blanca; siya’y ikalawang anak na prinsesa ni Haring Salermo.
Donya Juana
Isa pang kapatid ni Donya Maria Blanca, anak din siya ni Haring Salermo.
Matandang Leproso
Ibinigay ni Don Juan sa matandang leproso ang natitirang baong isang tinapay. Isa siya sa mga nakatulong sa prinsipe.
Unang Ermitanyo
Siya ang nagtagubilin kay Don Juan kung paano huhulihin ang Ibong Adarna at nagbigay ng sintas na gintong lantay na pantali sa ibon. Siya rin ang nagturo kay Don Juan kung paano muling magiging tao ang dalawa niyang kapatid na naging bato.
Ikalawang Ermitanyo
Siya ang nagbigay ng tinapay na durog at bukbukin pa kay Don Juan, ngunit nang kainin ito ng prinsipe ay napakasarap na pumawi ng kanyang kagutuman. Pinainom din siya ng matanda ng pulot at tubig na pumawi sa kanyang uhaw.
Ikatlong Ermitanyo
Siya ang tumulong at gumamot kay Don Juan sa pambubugbog ng dalawang kapatid na sina Don Pedro at Don Diego nang dahil sa hangarin ng dalawa na maangkin ang tagumpay sa paghuli sa Ibong Adarna.
Arsobispo
Siya ang nagbigay ng hatol na dapat makasal si Don Juan kay Donya Leonora sapagkat ito ang unang katipan.
Ang Higante
Siya ang bumihag kay Donya Juana sa Kaharian ng Armenya.
Ang Serpyente
Isang ahas na may pitong ulo na nagbabantay kay Donya Leonora.
Ang Lobo
Ito ang alaga ni Donya Leonora na gumamot kay Don Juan nang patirin ni Don Pedro ang lubid na nakatali rito nang lumusong sa balon. Naganap ang pangyayari sa Kaharian ng Armenya.
📘 Download Full Files Here!
IBONG ADARNA — 🔗 BUOD