Reaksiyong Papel
“Ang Maging Masayahin” ni Jesse Guevarra
Hindi natin maikakaila na ang kaligayahan o pagiging masiyahin ay may malaking impluwensiya sa buhay ng bawat indibidwal. Ito ang isa sa mga bagay na nagtutulak sa isang tao na mahalin at ipagpatuloy ang kaniyang buhay. Sa tekstong “Ang Maging Masayahin” ni Jesse Guevarra ay inilahad niya ang ilan sa mga kahalagahan ng pagiging masaya at kung paano ito makakamit. Ibinahagi niya sa kaniyang mga mambabasa ang mga positibong epekto ng kaligayahan hindi lang sa ating mga sarili kung hindi pati na rin sa ating lipunan. Sa aking pagbabasa ng kaniyang mga pahayag ay talaga namang hindi ko maiwasang sumang-ayon sa mga ito. Masasabi ko na ang mga ito ay may katotohanan at talaga namang makakatulong sa mga mambabasa upang yakapin ang kaligayahan o kasiyahan sa kani-kanilang mga buhay.
Ako ay lubhang nahumaling sa pagbabasa ng tekstong “Ang Maging Masiyahin”, sapagkat napupuno ito ng mga makabuluhang pahayag tungkol sa kahalagahan ng kaligayahan sa bawat isa sa atin. Sa pagbabasa nito ay mas lalo ko pang naintindihan kung gaano kalaki ang importansya sa ating buhay ng pagiging masaya at positibo. Binigyan ako nito ng pagkakataong magkaroon ng malawak na pag-unawa sa salitang kaligayahan. Napagtanto ko na hindi lang ang sarili natin ang naaapektuhan sa tuwing tayo ay masaya kung hindi pati na rin ang mga tao sa ating paligid. Makikita natin ito sa linyang “Kung tayo ay matiwasay, may kapayapaan ng loob at masayahin, malaking pagbabago ang magagawa nito sa ating lipunan.” Sa pamamagitan ng pagiging masayahin at matiwasay ay maiiwasan at masusugpo natin ang mga krimen at makabuo tayo ng maganda at matibay na relasyon sa pagitan ng ating mga kasama sa lipunan. Masasabi ko na isa itong magandang epekto ng kaligayahan, sapagkat hindi lamang ito nakapokus sa pansariling kapayapaan kung hindi sa tagumpay ng kalahatan. Bukod dito, naibahagi rin sa teksto na ang kasiyahan ay nagpapahiwatig na ang bawat araw ay napakahalaga. Ako ay sumasang-ayon sa pahayag na ito sapagkat naniniwala ako na maaaring hindi na maulit pang muli ang ilang mga pangyayari sa ating buhay at sa pamamagitan ng pagiging masaya ay maaari nating maipakita ang ating pagpapahalaga sa bawat araw ng ating buhay dito sa mundo. Marami pa ang mga makabuluhang pahayag sa tekstong ito na talaga namang makatuturan at nakapagpalawak ng aking pananaw sa kaligayahan, kabilang dito ang dulong bahagi ng teksto. Sa bahaging ito, kung saan nakasulat ang ilan sa mga maaari mong gawing aksyon kung gusto mong sumaya ay napagtanto ko na napakadaling makamit ang kasiyahan kung talagang nais mong maging masaya kaysa malungkot. Ayon nga sa teksto ay
“Bawat sandali ay napakahalaga, huwag natin pabayaan itong maglaho nang walang makabuluhang bagay na nakapagdulot sa atin ng kaligayahan.”
Sa kabuuan, masasabi kong hindi nasayang ang aking oras sa pagbabasa ng “Ang Maging Masayahin” ni Jesse Guevarra, sapagkat maganda ang layunin ng tekstong ito. Nagustuhan ko kung paano dito ibinahagi ang mga kahalagahan at benepisyo ng pagiging masaya. Bukod dito, nagustuhan ko rin kung paano ipinakita sa teksto ang kahalagahan ng pagiging kontento at positibo natin sa ating mga buhay upang makamit natin ang kasiyahan. Nasiyahan ako ng mabasa ko sa tekstong ito na hindi natin dapat iasa sa ibang tao ang ating kaligayahan, sapagkat ang totoong kaligayahan ay dapat magmula sa ating mga sarili. Bilang konklusyon, masasabi ko na talaga namang hindi ako nabigo sa pagbabasa ng tekstong ito.